Una sa lahat, pasensya na sa matagal na di pagsulat ng aking blog dahil na naman sa katamaran magsulat ng bagong entry. Huling blog entry ko ay noong December 2005 pa. At ngayong Marso ay sa wakas, may entry na rin. Nagtataka kayo kung bakit Jamibu ang ginamit kong nick. Medyo sanay na akong tawagin na Jamibu ngayon kaysa sa Zen119 o Zen. Hindi ko naman bibitawan ang old nick ko pero mas kilala na ako na Jamibu ngayon. :D Sa totoo lang, marami nangyari sa akin at sa bansang ito nitong nakaraang mga buwan. May mga masaya at may mga nakakalungkot na pangyayari. Unahin na muna natin ang masasayang pangyayari. Una, pagkatapos ng Hero Convention na dinaluhan ko noong Nobyembre at dalawa pang anime event ang pinuntahan ng inyong lingkod. Ang Ozine Fest '05 na ginanap noong Disyembre 19, 2005 sa Robinsons' Galleria Trade Hall. Maraming activities na naganap tulad ng Anime Karaoke, Dubbing contest, Cosplay competition, etc. Nag-enjoy ako sa panonood. At nakasama ko ulit ang mga kaibigang sina tetsu at mikan. Doon ko rin unang nakilala si mamaru. Nag-cosplay ang pamangkin niya as Sailor Mars. Ang cute. Sayang at di siya sumali sa cosplay competition. Ang isa pang anime event ay ang UST Nihon Night na naganap sa Colayco Park sa UST nitong Pebrero 18, 2006. Marami ring activities na naganap pero may mga ipinabawal dahil sa medyo konserbatibo ang namamahala sa UST. At muntikan nang di matuloy ang Cosplay Competition dahil sa ingay ng mga anime fans. Mabuti rin naman at natapos ito nang maayos. Nakasama ko ang ilang sa ABS-CBN forumers na sina tetsu, Mikan and her brother, synth, windracer, Moonlight_Bomber at mamaru though hindi ko siya nakakuwentuhan dahil sa inaasikaso niya ang pamangkin niya na ngayon ay si Sailor Venus na. Nanalo ang kapatid niya as Hero's Pick sa Cosplay competition.
Pangalawa, umattend ako sa kauna-unahang EB(eyeball) ng ilan sa mga ABS-CBN forumers noong January 29, 2006 sa SM Megamall. Sa wakas ay nakita ko na ng personal ang mga taong nakakausap ko lang sa forums. Naging masaya naman ang EB. Nag-share ng aming mga kaalaman tungkol sa anime, tinalakay ang mga isyu na bumabagabag sa mga anime fans, atbp. At pangatlo, nakipagkita kami ni Colleen at Leihs sa batikang dubber na si Sir Pocholo Gonzales. Nagpagkasunduan sa pagkikitang iyon ang tungkol sa paggawa namin ng site para sa mga Pinoy Voice talents. Sa ngayon, wala pa kaming alam sa kung ano na ang susunod na gagawin ukol rito. Abangan ang mga susunod na mangyayari.
Ngayon, tungkol naman sa mga malulungkot na pangyayari. Ang mga pangyayari na ito ay naganap nitong Pebrero. Sa totoo lang, ito ang pinakamalas na buwan na nagdaan dahil sa mga nangyarin trahedya at kaguluhan. Una, ang masaklap na Ultra Stampede na ikinasawi ng 71 katao at ikinasugat na mahigit 500 katao noong Pebrero 4, 2006. Naganap ang insidente bago ipagdiriwang ng game show na Wowowee ang kanilang ika-1 anibersaryo sa ere. Sa ngayon, ay iniimbestigahan ng mga kinauukulan ang pangyayari at hinihintay na lang ang resulta na magdidiin sa mga tao o organisasyon na dapat kasuhan. Dahil dito sa pangyayari ay pansamatalang hindi umere ang Wowowee. At ngayong linggong ito, ay magkakaroon ng special na palabas na pinamagatang "Pangarap at Tagumpay: mga kuwento sa likod ng Wowowee" na naglalaman ng mga istorya ng mga taong nabigyan ng pag-asa ng programa. Pagkatapos nito, ang muling pag-ere ng Wowowee sa sabado, Marso 11, 2006. Pangalawa, ang nangyaring landslide sa Southern Leyte nitong Pebrero 16, 2006 na ikinasawi ng daan-daang tao na tinabunan ng lupa at putik. Maraming tao sa iba't-ibang bahagi ng kapuluan at iba't-ibang bansa ang nagbigay ng tulong sa pangyayari. At ang panghuli, ang nangyaring kaguluhan nitong Pebrero 24-26 dulot ng idineklarang State of National Emergency ni PGMA upang hadlangan ang nagbabadyang kudeta na pinaplano raw ng mga kalaban ng administrasyon. Dapat pa naman ay ipinagdiriwang natin ang EDSA Revolution kung saan lumaya tayo mula sa isang diktador. Pero dahil sa deklarasyong ito, parang nagbalik ang alala ng Martial Law dahil sa mga naganap na rally, mga pagdampot sa mga kumakalaban sa administrasyon, at mga panggigipit sa ating media. Mabuti na lang at nitong Marso 3, 2006 ay binawi na ng Pangulo ang deklarasyong ito. Pero may ilang pa rin ang nababahala kahit binawin na ito. Panalangin ko sa Panginoon ang pagbangon ng bansang ito mula sa mga trahedya at kaguluhan at pagkakaroon ng pagkakaisa at kapayapaan sa isa't-isa.
Mukhang ito na ang pinakamahabang entry ko sa lahat. Anyway, mamaya nang 5:00 pm ang pagbabalik ng aking pinakapaboritong anime na Zenki sa ABS-CBN. Sa susunod na entry ko, ang analysis sa redub Zenki at ang pagkumpara sa naunang dub nito noong 1997. Maraming salamat sa pagbasa! ^_^
Monday, March 06, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
No kidding. Mahaba nga. ^^' Funny, I sometimes call you Jam.. di ba dapat Jan? XD Unang tingin ko pa lang sa Jamibu alam ko na meaning eh, hee hee.
Nakakausap mo pa ba si Sir Pocholo lately? Kelan kaya masisimulan yung project. Hmmm....
After a series of month, me nabasa muli ako...:D
Matuloy sana ang project ninyo regarding sa FILIPINO VOICE ACTORS....
Post a Comment